“Get well soon”.
Ito ang mensahe ng Quad Committee sa Kamara para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos na hindi sumipot sa ikasiyam na pagdinig ngayong araw.
Ayon kay Quad Comm co-chairman Bienvenido Abante Jr., sana’y makapunta si Duterte sa susunod na imbestigasyon lalo’t maraming katanungan ang kailangang sagutin.
Umaasa rin si Abante na sasamahan ang dating pangulo ng mga inimbitang resource persons na patuloy na nagtatago.
Maging si dating Senadora Leila De Lima na dumalo sa public hearing ay hiniling ang agarang paggaling ni Duterte upang makarating sa susunod na pagdinig.
Samantala, sinabi ni Quad Comm overall chairman Robert Ace Barbers na ngayong araw ay didinggin ang mga testimonya ng jail guards sa provincial detention facility sa Baybay City, Leyte.
Kung matatandaan, sa naturang bilangguan napatay ang dating alkalde ng Albuera, Leyte na si Rolando Espinosa.