Hindi isinasantabi ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang posibilidad na umabot pa hanggang sa 20th Congress ang imbestigasyon ng Quad Committee sa Kamara hinggil sa extrajudicial killings, ilegal na operasyon ng POGO at war on drugs campaign.
Ayon kay Barbers, hangga’t may mga indibidwal na nagpapahayag ng interes na tumestigo ay maaari nilang ikonsidera na paharapin sa pagdinig.
Ngunit hindi aniya ito basta na lamang magiging testigo dahil aaralin pa ng legal team ang isusumiteng sinumpaang salaysay at kung mayroong bigat para bigyang-pansin ng komite.
Paliwanag ni Barbers, ang direktiba ni House Speaker Martin Romualdez ay tiyaking malalim at komprehensibo ang Quad Comm probe upang makalikha ng remedial legislations.
Ibig sabihin, bagama’t nais na ng mga kongresista na matapos agad ang pagdinig bago ang adjournment ng Kongreso ay hindi naman nila ikokompromiso ang kalidad ng kanilang ginagawa para lang habulin ang timeline.
Samantala, bukas ay nakatakdang ikasa ang ikawalong pagdinig ng mega-panel kung saan ang sentro ay extrajudicial killings kabilang ang kaso ng pagpatay sa dating board secretary ng Philippine Charity Sweepstakes Office na si Wesley Barayuga.
Hindi muna sasalang ang illegal POGO issue at ang resource persons tulad nina Cassandra Li Ong at dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil nais ni Barbers na maging produktibo ang pagdinig at ayaw na nilang abutin ito ng hatinggabi.