Kumikilos na ang Department of Agriculture para matugunan ang tumataas na presyo ngayon ng luya.
Base sa price monitoring ng DA, umaabot na sa hanggang 300 pesos ang kada kilo ng luya sa ilang palengke sa Metro Manila na malayo sa 80 pesos hanggang 100 pesos na dating bentahan nito.
Ayon kay Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, sumipa ang presyo ng luya dahil sa tumataas na industrial demands, sa epekto ng El Niño, at magkakasunod na bagyong dumating sa bansa.
Inaasahan naman ng DA na bababa rin ang presyo ng luya sa pamilihan lalo’t may mga papasok na imported na luya mula sa Vietnam at Indonesia.
Sa katunayan, ngayong Oktubre lamang ay nasa 350 Metric Tons ng imported na luya ang papasok sa bansa.
Sa kabila nito ay tututukan ng DA ang mga palengke para masigurong hindi sinasamantala ng mga nagtitinda ang presyuhan ng luya.