CAMARINES NORTE- Isinagawa nitong Huwebes, Setyembre 8, ang public hearing para sa pagtatakda ng bagong taripa o pamasahe sa tricycle sa bayan ng Basud, Camarines Norte.
Kasunod yan ng unti- unting pagbabalik sa normal kung saan pinayagan na rin ang full seating capacity sa public transport.
Sa panukalang ordinansa na iniakda ni Councilor Jaboy Ayton, ang Chairman ng Committee on Transportation and Public Utility sa Sangguniang Bayan ibababa na sa P15.00 ang pamasahe sa tricycle para sa unang dalawang kilometro at P3.00 para sa bawat dagdag na kilometro.
Para naman sa estudyante, senior citizens at Persons with Disabilities ay gagawin nang P12.00 ang minimum na pamasahe para sa unang dalawang kilometro at P2.00 sa bawat susunod na kilometro.
Kapag umabot na sa 7:30 ng gabi o anumang special cases ay maaaring “by agreement” na lang ng driver at pasahero ang pamasahe.
Gayunman mayroong probisyon sa panukalang ordinansa na hindi dapat magdulot ng pagpapahirap sa pasahero ang “by agreement” na pamasahe.
Bibigyan ng warning ang driver sa unang paglabag, P1,000.00 na multa sa ikalawang paglabag at P2, 500.00 o cancellation/revocation ng prangkisa sa ikatlong paglabag.
Sa susunod na linggo ay isasalang na sa ikalawang pagbasa ang naturang panukalang ordinansa.
Matatandaan na bago magkaroon ng pandemya ay P10.00 ang minimum na pamasahe sa tricycle sa bayan ng Basud para sa unanag dalawang kilometro.
Pero dahil sa mga restriction na dulot ng COVID- 19 kung saan isang pasahero lang ang pinapayagan ay nagpasa ng ordinansa ang Sangguniang Bayan noong June 2020 na gawing P20 ang minimum na pamasahe sa tricycle.
Ayon kay Vice Mayor Ramir Barrameda ngayong bumabalik na sa normal at nahihirapan na ang riding public sa mataas na pamasahe ay nagpasa uli ng ordinansa ang SB na magtatakda ng bagong pamasahe sa tricycle.
Sa naturang public hearing na dinaluhan ng iba’t- ibang TODA, mga Punong Barangay at mga guro ng iba’t- ibang eskwelahan na ang karamihan ay school head ay walang tumutol sa bagong taripa.
May hirit naman ang ang isang Punong Barangay at mga driver na dagdagan ang maximum number of passenger dahil lugi umano sila sa pasada sa sobrang taas ngayon ng gasolina.
Sang ayon kasi sa section 3 ng panukalang ordinansa tatlong pasahero lang ang maaaring isakay, dalawa sa loob at isa sa likod ng driver.
Pero ayon kay Councilor Pablo Ablaneda hindi ito maaari dahil mayroong national law na hanggang tatlong pasahero lang talaga dapat ang tricycle.
Ito lang din umano ang covered ng insurance sakaling magkaroon ng aksidente.
