LEGAZPI CITY – Humiling ng karagdagang PHP10M ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) para sa augmentation fund sa Assistance to Individuals in Crises Situations (AICS) program upang ma-accommodate ang iba pang nakabinbing mga kailangan ng opisina sa nasabing programa.
Ayon kay PSWDO OIC na si Maria Vevien A. Cea, ang halaga ng alokasyon para sa pagpapatupad ng AICS ngayong taon ay inilabas at sa katunayan ay naubos na sa unang anim na buwan.
Base naman sa datos ng kanilang opisina, mula umano noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, ang lalawigan, sa pamamagitan ng PSWDO, ay nakapagtala ng pagtaas sa bilang ng mga kliyenteng Albayano na nakakaranas ng matinding dagok sa kanilang mga sitwasyon sa buhay, ang karamihan pa umano ay nakaranas ng matinding krisis sa pera.
Tinutugunan na ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay ang mga naiulat na backlog na dati nitong naranasan sa pagpapatupad ng social care program na AICS.