Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay magpakita ng kalupitan na katulad ng ipinakita niya ang susunod na Pangulo sa giyera kontra ilegal na droga.
Ayon sa Pangulo, dapat ay maipagpatuloy ang kaniyang programa kontra ilegal na droga, kung saan ay magpapakita ang susunod na Pangulo ng kahalintulad na higpit na ipinatupad niya sa ilalim ng kaniyang termino.
Kung hindi man ay sinabi ng Pangulo na tatanggapin niya pa rin ito kung mas mababa ito ng kaunti mula sa kaniyang standards.
Binigyang diin ng Pangulo na makasisira sa bayan natin ang ilegal na droga at aminado siya na nababaliw na siya dahil rito.
Matatandaan na bago nahalal ang Pangulo noong 2016 ay nangako siya na susugpuin niya ang problema ng bansa sa ilegal na droga at korapsyon sa loob ng 3-6 na buwan.
Gayunman, inamin ng Pangulo kalaunan na walang katapusan ang laban sa mga nasabing problema, at batid niya na magpapatuloy ito hanggang sa katapusan ng termino niya sa June 30, 2022.
