Umaasa ang National Economic Development Authority (NEDA) na lalong iigting ang economic recovery ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic sa muling pagbabalik ng nationwide sa face-to-face o in-person classes.
Sa briefing sa Palasyo ay sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary at NEDA chief Karl Kendrick Chua na tataas ang economic activity ng P12-billion per week sa pagbubukas ng lahat ng 60,743 na paaralan para sa in-person learning.
Ipinunto ng NEDA na bukod pa ito sa tinatayang P16.5 billion na madadagdag sa gross domestic product kada linggo habang nasa Alert Level 1 ang buong Pilipinas.
Inihayag ni Chua na manggagaling ang P12 billion kada linggo na additional economic output mula sa pagbabalik ng mga serbisyo para sa mga paaralan tulad ng transportasyon, dorms, mga kainan, school materials, at iba pa.
Iginiit naman ng chief economist ng bansa na nawalan ang ekonomiya ng bansa ng tinatayang P22 trillion sa loob ng dalawang taon na ipinatigil ang face-to-face learning.
