LEGAZPI CITY—Hindi pinalagpas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pagbanat sa mga New Peoples’ Army (NPA) sa pagdalo nito sa inauguration ng Bicol International Airport (BIA) sa Barangay Alobo, Daraga, Albay kahapon.
Sa maikling talumpati ng pangulo, binanatan nito ang mga rebeldeng grupo dahil sa ginawa umano ng mga itong panununog sa mga ekipaheng ginagamit sa kontruksyon ng BIA noong ginagawa pa lamang ito.
“Presidential Adviser for Bicol Affairs Marvel Clavecilla, yung mga kaibigan mong NPA, pakisabi nga sa kanila na, they haven’t overtaken by modernization ng bayan..nung sinunog nila dito, it only shows their bankruptcy in the mind. Di ako bilib sa tapang- tapangan nila,” ani Duterte.
Magugunita na bago ang pagdating ng pangulo sa Albay para sa inauguration ng BIA ay sinabi ng NDF Bicol na isa lamang na pagpapabango at pagmamayabang ang pagbisita nito sa Bicol kung saan ibibida lamang nito ang kanyang legasiya.
Samantala, nanawagan naman ang pangulo sa mamamahala sa paliparan na tiyakin ang pinakamahusay na kalidad ng serbisyo sa mga pasahero.
Ang BIA ay inaasahang maglilikha ng maraming trabaho at makapagbibigay serbisyo sa nasa dalawang milyong pasahero taun-taon.### – with reports from BNFM Legazpi