Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi na tatakbo siya sa pagka-Bise Presidente sa halalan sa 2022.
Sinabi ng Pangulo sa kaniyang lingguhang Talk to the People na handa siyang tumakbo sa eleksyon kung ito ang gusto ng mga tao.
Ipinunto niya na ipagpapatuloy niya ang kaniyang krusada laban sa droga, insurhensya, at kriminalidad.
Iginiit niya na bagama’t mababawasan ang kaniyang mga kapangyarihan ay patuloy pa rin niya magagawa na makapagbigay ng opinyon kaugnay sa iba’t-ibang mga isyu.

Mababatid na una nang ibinunyag ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi na pumayag na si Pangulong Duterte na tumako sa pagka-Bise Presidente.
Kasunod ito ng panawagan mula sa iba’t-ibang regional, provincial, at barangay councils ng PDP Laban na magkaroon ng transition ng leadership kung saan ay magagarantiya na magpapatuloy ang mga nasimulang programa ng administrasyon sa nakalipas na limang taon.
Matatandaan na sinabi na noon ng Punong Ehekutibo na nais niyang maging Bise Presidente kung patuloy na magbabanta ng mga kaso ang mga kritiko laban sa kaniya oras na magtapos ang termino niya sa June 30, 2022.