Bibisitahin nina Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Christopher Bong Go ang probinsiya ng Negros Occidental ngayong araw upang personal na kumustahin ang mga residente sa lugar na naapektuhan ng pagtama ng bagyong Odette.
Ayon kay Sen. Go na maliban dito pangungunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Sinabi ni Go na kahit noon pa man ay hands-on na umano si Pangulong Duterte sa pagresponde sa oras ng mga sakuna.

Noong Sabado unang binisita ng Pangulo ang Maasin City sa Southern Leyte at Surigao City matapos ang isinagawang aerial inspection.
Kahapon naman ay binisita ni Pangulong Duterte kasama si Sen. Go ang bayan ng Argao sa Cebu at Inabanga sa lalawigan ng Bohol.
Inihayag ni Go na iniikot nila ang mga apektadong lugar upang masigurong matutugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima, lalo na pagdating sa pagkain, tubig, gamot, kuryente, at telecommunication services. (LEY BAGUIO)