KORONADAL CITY- PATULOY ang pamimili ng palay ng provincial government ng South Cotabato sa ilalim ng Palay Support Program.
Inihayag ni Rommel Eladia, field operations division supervising agriculturist ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) na P 10 million pa lamang ng P 35 million na pondong inilaan ng lalawigan ang kanilang nadownload sa BENTIKU, na siyang nagpoproseso sa nabibiling palay at nangangasiwa sa naturang programa.
Ayon kay Eladia na 112 na mga farmers na ang nakabenepisyo sa programa ngayong taon kung saan umabot sa mahigit 6,000 na sako ng palay ang nabili ng provincial government.
Ang mga na-milled na bigas ay binibili naman ng South Cotabato provincial jail, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management.
Sa ngayon, may naka-stand by na mahigit 2,000 na sako ng bigas na maaaring bilhin ng naturang mga opisina.
Ang palay support ay isang programa na may layuning matulungan ang mga magsasaka na makabawi mula sa mababang presyo ng palay sa pamamagitan ng pagbili sa mga produkto ng mga ito sa halagang P 19.00 bawat kilo.
