CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of Social Welfare and Development na pinadali na ngayon ang proseso ng pag aampon sa bata.
Ayon kay Regional Director Leo Quintilla mayroon nang bagong batas patungkol sa adaption kung saan ang mga nagnanais mag ampon ay hindi na maghihintay ng mahabang taong proseso.
Kung dati ay umaabot ng ilang taon ang proseso ng pag- aampon ngayon umano ay maximum ng anim na buwan na lang basta’t kumpleto ang dokumento ng bata.
Hindi na raw kasi ito dadaan sa korte dahil administrative na lang ang proseso sa pamamagitan ng bagong ahensiya na National Authority for Child Care.
Sa ngayon ay nasa transition pa at hinihintay na lang ang Implementing Rules and Regulations o IRR.
Magkakaroon din muna ng capacity building ang mga social workers kaugnay sa bagong batas.
Samantala, para naman sa mga gustong mag poster parent ay nagbibigay ng suporta ang DSWD.
Mayroon umanong programa ukol dito ang ahensiya kung saan nagbibigay ito ng walong libong piso kada buwan sa poster parent ng bata.
Nilinaw ni Quintilla na hindi ito sweldo kundi para sa gastusin ng bata tulad ng diaper, gatas at pagkain.
Isasailalim sa orientation ng mga social worker ang gusting maging poster parent.
Ani Quintilla, hindi dapat habangbuhay sa center ang bata dahil kailangan din nito ng pamilya para mahubog ang kaniyang pagkatao.
