CAMARINES NORTE- Bumagsak ang produksyon ng palay sa Camarines Norte mula Hulyo hanggang Setyembre nitong taon habang tumaas naman ang produksyon ng mais.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) bumagsak ng 1. 53 percent ang produksyon ng palay sa nabanggit na panahon.
Tinatayang nasa 25, 660 metric tons ang total volume of production na mas mababa sa 26, 058 metric tons sa kaparehong quarter noong nakaraang taon.
Nasa 62. 0 percent ng palay production output sa nabanggit na quarter ay mula sa irrigated farms habang 38. 0 percent naman ang mula sa rainfed farms.
Kung maalala ay bumaba rin ang produksyon ng palay sa ikalawang quarter ng taon.
Mula Abril hanggang Hunyo naitala ang tinatayang 24, 035 metric tons volume of production na mas mababa ng 6. 58 percent sa 25, 732 metric tons sa kaparehong panahon noong isang taon.
Sa kabilang dako bahagya namang tumaas ang produksyon ng mais sa nabanggit na panahon.
Naitala ang 684 metric tons na produksyon o tumaas ng 1. 90 percent kumpara sa 672 metric tons na ani noong July to September 2021.
Kabaliktaran naman ito sa ikalawang quarter ng 2022 kung saan bumaba ng 30. 99 percent ang ani.
Ang palay at corn production survey ay isang quarterly agricultural surveys na isang mahalagang input dahil magagamit ang resulta nito sa pagbalangkas ng mga polisiya at programa ng gobyerno.
