Nabanggit ni Pangulong Bongbong Marcos ang problema sa patay sinding kuryente sa lalawigan ng Palawan.
Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng Presidential Assistance sa mga magsasaka at mangingisda sa Puerto Princesa City ngayong umaga, sinabi ng Pangulo na batid nya ang mga hinaing ng Palaweño, tulad ng kakulangan sa supply ng kuryente.
Anya, may ginagawa nang hakbang ang pamahalaan upang matugunan ito.
Nagsasagawa na raw ng pag aaral ang Maharlika Investment Corporation o MIC, National Electrification at ang Palawan Electric Cooperative o PALECO para mapabuti ang supply ng kuryente sa naturang probinsya.
Nabatid na sa pre-SONA briefing nitong nakalipas na araw, nabanggit ni MIC President and CEO Rafael Consing, na prayoridad nilang maglagak ng investment gamit ang Maharlika investment fund sa energy sector ng bansa, lalo na sa mga small power utility group na hindi konektado sa grid ng NGCP kaya mahal at hindi stable.