Problema ng mahabang pila sa BIR kung saan apektado ang mga job order employees ng LGU nais masolusyunan ng mga Alkalde

CAMARINES NORTE- Problema ngayon sa lalawigan ng Camarines Norte simula noong Enero ang mahabang pila sa opisina ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagsisimula ng madaling araw.

Kabilang nga sa mga pumipila sa BIR ay ang mga job order employees ng  Local Government Units para sa annual registration fee na kailangan nilang bayaran.

Ang bagay na ito ay nais masolusyunan ng mga Alkalde para maibsan ang problema ng kanilang  job order employees.

Napagkasunduan sa isinagawang pagpupulong ng League of Municipalities (LMP) Camarines Norte Chapter na makipag usap sa BIR ukol dito.

Read More:  Mother of four dies while queuing for P20 rice in Bukidnon

Ayon kay San Lorenzo Ruiz Mayor Nelson Delos Santos, Pangulo ng LMP Camarines Norte mahaba umano ang pila dahil iisa lang ito  para sa lahat ng transaksyon.

Aniya, sama- sama sa iisang pipila ang transaksyon ng mga may negosyo, job order at iba pa na dapat sana umano ay hiwa- hiwalay.

Bukod dito mayroon ding limit ang transaksyon kaya kahit nakapila ka ay walang kasiguruhan na ma- aacomodate.

Mungkahi ng mga Alkalde na magkaroon na lang ng schedule sa bawat bayan kung maaari.

Read More:  24 Chinese nationals arrested in Davao del Norte operation

Inatasan ng LMP si Mayor Dondon Mancenido ng Talisay na makipag usap sa Revenue District Office Number 64 para masolusyunan ang problema sa mahabang pila.

Mababatid na required ang Job Order employees na magbayad ng annual registration alinsunod sa umiiral na Revenue Memorandum Circular.

Una nang inihayag ng BIR na maliban dito ay wala na umanong nire- require na iba pang bayarin ang ahensiya.

Exempted raw kasi ang mga job order employee sa income at percentage tax dahil ang sweldo ng karamihan sa mga ito ay mababa  pa sa P250, 000 kada taon.