Presidential Communications Office, nakuwestyon sa plenary debates sa Kamara dahil sa sangkatutak na USec at ASec

Nakuwestyon ang Presidential Communications Office sa plenary debates sa Kamara para sa 2024 proposed budget nito dahil sa napakaraming itinalagang undersecretaries at assistant secretaries.

Sa pag-depensa ni House Appropriations Committee Senior Vice Chairperson at Marikina City Representative Stella Quimbo sa budget ng PCO, natanong sa interpelasyon kung bakit sangkatutak ang opisyal kahit na maliit na ahensya lamang ito.

Lumabas kasi na lima ang undersecretaries at labindalawa ang assistant secretaries ng PCO.

Read More:  DOLE Region III director suspended following Pampanga building collapse

Sinabi ng sponsor na si Quimbo na sulit na sulit naman ang sweldong ibinabayad sa mga opisyal ng ahensya dahil lumawak na ang mandato at tungkulin nito.

Kung ikukumpara sa nagdaang administrasyon na maraming opisyal, nag-streamline na aniya ang PCO at maaaring makinabang pa sa rightsizing initiative ng administrasyong Marcos.

Paliwanag pa ni Quimbo, mayroong iba’t ibang “type of media” ang PCO na tinututukan ng mga USec at ASec mula sa radyo, telebisyon, digital media, content production at broadcast production.

Read More:  Senate minority walks out over proposed rules change

Giit naman ng interpellator na si ACT Teachers Representative France Castro, mas malaking ahensya at maraming trabaho ang Department of Health kung tutuusin ngunit lima lamang ang assistant secretaries.

Sa ngayon, ang PCO ay mayroong 363 employees kung saan 250 sa mga ito ay plantilla positions.

Na-terminate na ang period of sponsorship at debates para sa panukalang pondo ng PCO na nagkakahalaga ng 1.79 billion pesos.