Nagkasa ng relief efforts ang ilang presidential aspirants para tumulong sa mga biktima ng Bagyong Odette, na nanalasa sa maraming bahagi ng Visayas at Mindanao kagabi.
Sa social media post nina Vice President Leni Robredo at Senator Manny Pacquiao ay nagkasundo sila na i-coordinate ang kanilang efforts para sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Inihayag naman ng labor leader na si Leody de Guzman na handa na ang kanilang team na mamahagi ng ayuda sa mga biktima ng bagyo.
Nakiusap naman si de Guzman sa ibang aspirants na handang umubos ng P3-5-bilyong sa kampanya na ibigay na lamang ang kalahati ng kanilang pondo sa mga nangangailangan.
Sa pahayag naman ng UniTeam nina dating Senador Bongbong Marcos at Mayor Sara Duterte ay sinabi na nakikipagtulungan na sila sa kanilang network of volunteers para sa distribusyon ng relief goods.
Tiniyak naman ni Senator Panfilo Lacson na makikipagtulungan siya sa kampo ni Pacquiao sa paghahatid ng ayuda sa mga sinalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Lacson na nag-usap sila ni Pacquiao sa pribadong paraan para i-coordinate ang kanilang efforts.
Ipinunto niya na ang pagsasagawa ng pagtulong sa harapan ng media ay labag sa kaniyang paniniwala na ang “calamity politics” ay ang “lowest form of campainging.”
Samantala, nagpatawag naman si Manila Mayor Isko Moreno ng special session ng Manila City Council upang magpasa ng resolusyon para makatulong sa relief operations sa Cebu at iba pang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Umapela naman si Moreno sa mga Manileños na magsimula ng fund drive upang makatulong sa relief efforts para sa mga biktima ng bagyo.
