CAMARINES NORTE- Muling pinasalamatan kahapon ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang mga volunteers ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Ginawa ang pasasalamat bago matapos ang misa kahapon sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pag akyat sa Langit ni Hesukristo na nakatalaga rin bilang World Communications Sunday.
Aniya, nagpapasalamat ang simbahan sa lahat ng mga naglaan ng panahon, kakayahan at kayamanan sa electoral process para masuportahan ang mahalagang papel ng PPCRV.
Matatandaan na sa sulat na ipinalabas ng Obispo noong May 15, kinilala nito ang ginampanang papel ng PPCRV volunteers sa aniya’y naging mapayapa at makahulugang Halalan 2022 partikular sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ang presensiya at tulong umano ng PPCRV voulunteers ay patunay ng pakikilahok, interes at ambag para sa kapakanan ng bayan.
Pinasalamatan rin ni Alarcon na siyang Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Youth ang maraming kabataang nakilahok.
Ayon sa Obispo sana raw ay magdala ang karanasang ito sa higit pang political maturity at sense of social responsibility.
Pinasalamatan din nito ang mga elder volunteers na naging gabay aniya ng mga kabataan.
Nagpasalamat din ang Obispo sa mga Kura Paroko, Parokyano, benefactors, donors at sa lahat ng mga tumulong at nagpahiram ng lugar, sasakyan at nagbigay ng pagkain.
Dasal umano nito na hindi magtapos sa Halalan ang pakikilahok at ambag para sa pag unlad ng sambayanan.
Patuloy daw sanang maging mamamayang nagmamalaskit sa bayan at nakikisangkot para sa kapakanan ng lahat.
