Hindi magsasagawa ng unofficial parallel count ang Parish Pastoral Council for responsible Voting (PPCRV) sa lalawigan ng Camarines Norte ngayong Halalan 2022.
Ito ang inihayag ni PPCRV Diocesan lay Coordinator Mariz Bernardo sa naging panayam ng Brigada News FM Daet.
Paliwanag ni Bernardo, pinipilit sana nilang magsagawa ng unofficial parallel count pero hindi umano sila nagkasundo sa venue ng dapat sana ay kausap nilang eskwelahan.
Ayaw daw kasi nito na gawin ang unofficial parallel count sa command center ng PPCRV sa St. John the Baptist Parish dahil mas magiging madali para sa kanila kung sa eskwelahan gagawin.
Hindi naman aniya pumayag ang PPCRV na dalhin pa sa labas ng command center ang mga election retuns.
Ang gagawin na lamang umano ngayon ng PPCRV ay i- record ang lahat na matatanggap na election returns at maaari umano itong makita ng sinumang kandidato o partido maging ng media.
Bilang accredited citizen arm ng Comelec mapupunta sa PPCRV ang 4th copy ng election returns.