Nananawagan ang “young guns” sa Kamara na magkaroon ng komprehensibong review sa sitwasyon ng kuryente sa bansa bilang paghahanda sa pagtama ng La Niña.
Nababahala kasi ang mga kongresista sa posibilidad ng malawakang brownout kaya nais nilang alamin ang kahandaan ng power companies na matiyak ang sapat at di maaantalang suplay ng kuryente.
Ayon kay Zambales First District Representative Jay Khonghun, hindi lamang “weather event” ang La Niña kundi mapaminsala sa araw-araw na buhay at sa ekonomiya.
Hindi na aniya dapat hintayin na maramdaman ang epekto nito kaya mainam ang pagkakaroon ng contingency plans habang ang energy infrastructure ay kailangang maging matatag.
Ipinaliwanag din ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na umaasa ang constituents sa consistent na power supply para sa kaligtasan at pangangailangan kada araw kaya anumang aberya ay tiyak na may masamang epekto.
Giit ni Adiong, dapat masiguro ang transparency at proactive measures mula sa power providers bukod pa sa malinaw na komunikasyon upang maibsan ang mga banta dulot ng La Niña.
Para naman kay 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez, hindi lamang ang generation capacity ang dapat tutukan kundi ang pagpapatibay sa transmission at distribution networks.
Mainam umano ang malalimang assessment ng kasalukuyang kakayahan upang agad matugunan ang matutukoy na “gaps” o pagkukulang.