Mayroon pa ring mga nahuhuli ang POSD Cauayan City na mga colorum na namamasadang tricycle sa lunsod.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na hindi naman nila tinotolerate ito kaya patuloy ang kanilang paghuli sa mga namamasadang wala namang prangkisa.
Aniya, kawawa ang mga tricycle driver na dumadaan sa tamang proseso at nagbabayad ng buwis para lamang makakuha ng prangkisa upang makapamasada.
Sinabi pa ni POSD Chief Mallillin na kapag may nahuling namamasada na walang franchise ay iniimpound ang kanilang mga tricycle at kinokolekta ang kanilang driver’s license.
Tutubusin na lamang aniya nila ang mga ito kung nakapag-comply na sa requirements ng business licensing office ng LGU.
Naiintindihan naman aniya ang hirap ng buhay sa ngayon subalit kailangan nilang sumunod sa tamang proseso.
Samantala, pinapayagan na ang apat na maximum passengers na maisakay sa isang tricycle at mananatili ang minimum fare na 13 pesos.
Naipasa na rin aniya nila sa City Coumcil ang kahilingan ng mga tsuper na taas sa singil ng pasahe bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Inihayag pa ni POSD Chief Mallillin na kailangan ding balansehin dahil kawawa rin ang mga labor sector na apektado ng pagtaas din sa presyo ng iba pang bilihin.