‘Population protection’ sa NCR, posibleng makamit na sa Oct o Nov

Kumpiyansa ang sa National Task Force Against COVID-19 na makakamit ng National Capital Region (NCR) ang population protection pagsapit ng buwan ng Oktubre o Nobyembre ngayong taon.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., posibleng mangyari ito dala ng takbo ng delivery ng mga covid-19 vaccine sa bansa.

Sinabi ni Galvez, mayroon nang 30 milyong indibidwal ang nabakunahan sa Metro Manila at sa Setyembre ay maaaring madagdagan ito ng panibagong 10 hanggang 15 milyon.

Maliban dito, sinabi pa ng kalihim na posibleng taasan pa ng Pfizer, Sinovac, Moderna at Gamaleya ang kanilang deliveries sa Setyembre at Oktubre.

Sinisikap din naman aniya ng National Task Force na dagdagan pa ang suplay at bilisan pa ang pagbabakuna sa ibang rehiyon.

Samantala, dagdag pa ni Galvez na pagsapit naman ng buwan ng Disyembre, target din nilanG mabakunahan ang mas maraming indibidwal sa Region 3 at Region 4A upang makamit na rin ang population protection. // MHEL PACIA-TRINIDAD