CAMARINES NORTE – Tinalakay ang hinggil sa kasalukuyang sitwasyon ng healthcare system sa bansa sa isinagawang lecture patungkol sa Universal Healthcare (UCH) na dinaluhan ng mga empleado ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Basud, Camarines Norte kahapon.
Iniisa- isa ng kinatawan ng Department of Health ang mga problemang kailangang tugunan lalo na sa LGU level.
Maituturing umanong mahina o “poor” ang health system ng isang LGU kapag mataas ang bilang ng mga nanay na namamatay sa panganganak o “maternal death”, maraming sanggol na namamatay at nagkakasakit bago pa man ito mag limang taong gulang at ang mataas na kaso ng malnutrisyon.
Maituturing ding mahina ang healthcare system kung maraming bata ang hindi bakunado kontra sa iba’t- ibang sakit.
Ilan pa umano sa problema ngayon ay ang kakulangan ng doktor at nurses sa mga LGU.
At ngayong nahaharap ang bansa pandemya, may mga tao umanong nagbabayad ng daan- daang libong piso sa pribadong ospital para lang magamot ang sakit na COVID bagay na hindi kaya nang mahihirap o nasa laylayan.
Isa pa umano sa matutugunan ng Universal Healthcare ay ang problema sa kawalan ng komunikasyon mula sa facility to facility.
Sa ilalim ng batas ay mismong facility to facility na ang mag uusap dahil mayroon nang malinaw na clinical pathway kaya hindi na poproblemahin pa ng pasyente.
Mababatid na mayroon pang mga kailangang i- comply ang naturang LGU para tuluyan nang maipatupad ang UHC law.
Ang UHC ay isang malawak na repormang naglalayong maging malusog ang lahat ng mga Pilipino sa pamamagitan ng angkop, abot- kamay at abot kayang health services
Sa ilalim ng UCH Act, lahat ng Pilipino ay magiging awtomatikong miyembro ng Philhealth.
.
