France– Kinahuhumalingan ngayon sa Roubaix, France ang kakaibang produkto ng “Line”, isang brand ng beer, sapagkat asul o blue ang kulay ng beer na ito.
Ayon kay Sebastien Verbeke, brewer ng Hoppy Urban Brew, naging patok at kilala ang “blue beer” dahil sa kulay at organic ingredient nito na “algae” o lumot.
Ang blue tint ng beer ay nagmula sa “Spirulina”, isang uri ng algae na mula sa Northern France, at ang bahagi ng “Spirulina” na nagbibigay ng asul o blue na kulay ay tinatawag na “phycocyanin” na siyang hinahalo habang nasa proseso ng paggawa ng serbesa or beer.
Dagdag pa rito, ang blue beer ay resulta ng pakikipagsosyo ng isang kompanyang may kagustuhang ipakilala ang “algae” bilang dietary supplement at ng isang craft brewery na may layunin na gawing kakaiba ang kanilang mga produktong beer.
Inabot naman sa 1,500 bote ng blue beer ang naibenta noong nakaraang taon kung kaya’t kasalukuyan nang pinapalaki ang produksyon nito.
Samantala, kilalang ginagamit rin ang “algae” sa pharmaceutical industry, paggawa ng pabango at pagkain, at maging sa agrikultura.### RHODA REODIQUE – Intern