LEGAZPI CITY – Inihayag ni Alkalde Andy Mariscotes ng Polangui Albay, na isa sa mga pinakaunang bayan sa buong Pilipinas ang Polangui na nagimplementa ng Dietary Supplementation Program ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Mariscotes, mithiin ng programa na mapasanormal ang kalagayan ng limampung (50) “under nourished” na mga bata sa dalawang barangay sa pamamagitan ng araw araw na pagpapakain sa kanila sa loob ng 120 araw o apat na buwan.
Limampung porsyento (50%) ng pondong ginagamit ay mula sa Kagawaran ng Kalusugan at ang natitirang limampung porsyento ay nahanapan din ng pondo sa pagsisikap ng Local Government Unit (LGU).
Pinasalamatan din nito ang mga magulang ng mga bata sa kanilang kooperasyon sa proyekto.
Ayon pa dito sisikapin nito na madagdagan pa ang mga benepisyaryo sa susunod na taon sa ibat ibang barangay. Binigyang diin nito na isa sa mga prayoridad ang kalusugan ng mga mamamayan sa nasabing bayan.
Dinaluhan rin ang nasabing aktibidad nina kinatawan ng DOH Region V sa pangunguna ni Bb. Lorraine Peña (Nutritionist), mga kinatawan ng Provincial Health Office sa pangunguna ni Gng. Juje Baloloy (Nutritionist) at iba pang opisyal ng Gobyerno.
Kasabay rin sa aktibidad ang paglunsad ng Karinderya Para sa Healthy Pilipinas Project”, sa Barangay ng Lidong at Itaran.