Nagkaisa ang mga lawmakers sa mga panawagang tuluyan nang buwagin at ipasara ang mga opearasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs sa bansa.
Ito ay sa gitna ng mga napapaulat na abductions ng mga Chinese nationals na mayorya ay iniuugnay sa mga POGO.
Sa isang pahayag, sinabi ni Manila 6th District Rep. Benny Abante na mas malala ang perwisyong idinudulot nito, kaysa sa magagandang benepisyo na nakukuha ng Gobyerno.
Ayon sa Mambabatas, ang pondong nagagasta ng Pamahalaan para ma-address ang mga POGO-related crimes ay maaaring ilaan na lamang sa mga revenues na mawawala sa oras na ipasara na ang mga ito.
Bago ito, una nang sinabi nina Minority Leader Koko Pimentel at Senadora Imee Marcos na pabor din sila sa pagba-ban ng mga POGOs sa bansa.
Ayon kay Pimentel, kung sa China nga raw ay ipinagbabawal ito, bakit daw sa Pilipinas ay pinapayagan nating makapag-operate ang mga POGOs.
Dagdag pa ni Pimentel, ang mga POGO ay tila nagiging lungga na ng mga ‘would-be’ criminals at mga gangsters na maaaring makagulo sa peace and order sa bansa.
Sinabi naman ni Senadora Cynthia Villar na kung ang mga e-sabong operations ay napasara na sa bansa, makabubuti aniyang isunod na rin ang POGO dito.
Sa budget briefing noong nakaraang linggo sa Senado, sinabi ni Finance Secretary Ben Diokno na pabor siyang i-discontinue na ang POGO sa bansa lalo na’t mababa na rin naman ang revenue na ipinapasok nito sa bansa.
Kasong human trafficking, isinampa na laban sa mga may-ari ng POGOs na sinalakay sa serye ng operasyon ng PNP
Naniniwala ang Philippine National Police na konektado sa human trafficking ang mga establishment ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs kung saan ay naka-rescue ng ilan mga indibidwal sa serye ng mga ikinasang operasyon dito noong nakaraang linggo.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na nakatuon na ngayon ang imbestigasyon ng mga pulisya sa anggulong human trafficking ng mga ito papunta sa bansa.
Nakasuhan na aniya ang mga tumatayong opisyal at HR officers ng Lucky South 99 na ipinasara sa Angeles City sa Pampanga kamakalawa.
Aniya katuwang ang Department of Interior and Local Government ay ginagawa na ang mga paraan para maliban sa human trafficking, ay matugis na rin ang mga POGO-related abductions.
Tuloy din umano ang imbestigasyon sa iba pang mga iligal na operasyon ng POGO para tuluyan na itong mapasara, at ma-rescue ang iba pang mga Chinese nationals na iligal na pinagta-trabaho rito.
#

