Ilang linggo na lang ang nalalabi – ngunit hindi pa rin nakapaglalabas ng pinal na desisyon ang Kongreso para sa pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Dahil dito, muling umapela si Commission on Elections chairperson George Garcia na sana raw, bago matapos ang Setyembre ay maisabatas na ang postponement ng BSK polls.
Ngayong araw – nakatakda na sanang mag-imprenta ang COMELEC ng mga balota na gagamitin sa naturang halalan na orohinal sanang nakatakda ngayong Disyembre.
Sa Kamara, nakalusot na sa ikalawang pagbasa ang bersyon nito ng panukala na layong i-postpone ang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa unang Lunes ng Disyembre ng susunod na taon.
Ngayon, sinabi ni Garcia na dahil wala pang pormal na batas para ipagpaliban ang halalan, posibleng ma-bago nang inilabas nilang kalendaryo, kabilang na ang pagre-reschedule ng filing ng mga certificate of candidacies.
Sa huli, muling tiniyak ng poll body chief na tuloy man o hindi, hindi masasayang ang mga iiimprentang balota simula ngayong araw.
#