CAMARINES NORTE- Tiniyak ng PNP Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Basud Municipal Police Station na ginagawa nito ang lahat ng mga kinakailangang intervention sa gitna ng tumataas na kaso ng rape sa naturang bayan.
Ayon kay PSMS Christine Daiz ng PNP WCPD ng Basud Municipal Police Station patuloy umano ang ginagawa nilang pagtungo sa mga barangay upang magsagawa ng awareness campaign.
Katuwang umano sa kanilang pinaigting na awareness campaign ang mga opisyal ng barangay at mga stakeholders.
Kamakailan umano ay nagsagawa rin ng seminar at training ang PNP katuwang ang Municipal Social Welfare and Development (MSWDO) sa mga focal person ng VAWC desk sa barangay upang turuan ang mga ito kung paano i- handle ang mga kasong tulad ng rape at iba pang uri ng pang aabuso sa mga babae at bata.
Una nang sinabi ng PNP na nakakaalarama ang kaso ng rape sa naturang bayan lalo’t noong huling quarter ng 2021 ay mga ama ng tahanan ang nanggagahasa sa sariling anak.
Matatandaan na noong isang linggo lang ay isang padre de pamilya ang inaresto na gumahasa umano sa dalawang menor de edad na anak na babae.
Bago ito ay isa pang padre de pamilya naman sa hiwalay na barangay ang inaresto rin dahil sa makailang ulit na panghahalay sa sarili ding anak na menor de edad.
Sa datos ng WCPD sa naturang bayan nasa 11 indibidwal ang kinasuhan dahil pangagahasa kung saan tatlo dito ay sariling ama ang salarin.
