Matapos ibasura ng korte ang hiling na mapasailalim sa hopsital o house arrest, tatalima ang PNP sa magiging kautusan kung saan mananatili si Apollo Quiboloy.
Si Quiboloy ay kasalukuyang nakapiit sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief BGen. Jean Fajardo, hihintayin nila ang magiging pinal na desisyon ng Pasig City Regional Trial Court Branch 159 kung ililipat na si Quiboloy sa Pasig city jail kasama ang iba pa nyang kapwa akusado o mananatili ito sa PNP custodial facility.
Samantala, tiniyak ni Fajardo na nakahanda ang Pambansang pulisya na bigyang seguridad si Quiboloy saka sakaling paharapin ito ng korte sa pagdinig ng Senado.
Makikipag ugnayan sila sa Senate Sgt at Arms upang maging maayos ang pagdadala dito mula sa PNP custodial facility patungo ng Senado.
Itinakda sa darating na Oct. 23, 2024 ang pagdinig ng Senado kung saan inaasahan ang pagdalo ni Quiboloy.