Muling aayusin ng Kamara ang PNP Reorganization Bill matapos itong i-veto ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay House Committee on Public Order and Safety Chairman at Santa Rosa City Representative Dan Fernandez, agad silang kikilos upang talakayin ang panukala pagkatapos ng State of the Nation Address o SONA kasunod ng pakikipag-usap nito kay Speaker Martin Romualdez.
Aayusin aniya ang mga probisyon ng panukala na vineto ng pangulo.
Binigyang-diin ng kongresista ma halos labing-anim na taon nang hinihintay ang restructuring ng Philippine National Police at ngayong halos abot-kamay na ito ay titiyakin nilang maitatama na ang panukala.
Kasama sa mga rason kung bakit hindi nilagdaan ng pangulo bilang batas ang panukala ay dahil maaari umanong hindi maging patas sa mga Police officer sa planong pagbabago sa sweldo ng mga pulis; pagbuo ng bagong mga tanggapan sa loob ng PNP na taliwas sa isinusulong na streamlining ng government services, at pagbabago sa Internal Affairs Service o IAS.