CAMARINES NORTE- Nag- deploy ng tauhan ang PNP Highway Patrol Group para makatuwang ng Local Police sa pagtitiyak ng seguridad ngayong Simbang Gabi kaugnay sa Ligtas Paskuhan 2021.
Pero hindi lang basta police presence na nakatuon sa pagbabantay ng seguridad ang ginawa ng Provincial Highway Patrol Team.
Kahapon ng madaling araw sa pagsisimula ng Simbang Gabi ay pinangunahan ng grupo ang pamimigay ng mainit na soup at face mask sa mga dumalo sa misa sa St. John the Apostle and Evangelist Parish sa bayan ng Labo.
Katuwang ng HPG sa naturang aktibidad ang KABALIKAT Civicom 216-Labo Chapter.
Tinawag ito ng HPG na “Simple Good Deeds” na naglalayong maipadama sa lahat ang totoong diwa ng pasko at bilang pasasalamat na rin sa lahat ng mga biyaya.
Ayon naman kay Bishop Rex Andrew Alarcon ng Diocese of Daet, maraming dapat ipagpasalamat sa Diyos sa kabila ng hirap na nararanasan ngayon dahil sa pandemya.
Kabilang umano dito ang pag- asa at awa na dala ng pasko gayundin ang biyaya ng pagbabahaginan.
Hinimok din ng Obispo ang bawat isa na gumawa ng mabuti sa kapwa at maging daan ng pag asa at kapayapaan sa iba.
Maliban sa HPG, mayroon ding ilang pribadong grupo o samahan na may libreng palugaw at pandesal sa mga nagsisimbang gabi sa iba’t- ibang simbahan sa lalawigan.
(photo: HPG)
