Gumagawa na ng hakbang ang Philippine National Police para labanan ang moonlighting o iligal na pag-e-escort ng mga pulis sa mga VIP.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Transportation sa pagbuo ng special team.
Bubuoin ang special team ng mga tauhan ng DOTr, MMDA, Highway Patrol Group at Integrity Monitoring and Enforcement Group.
Ayon kay Fajardo, isasama ang IMEG sa operasyon dahil IMEG ang nakatoka sa counter intelligence laban sa mga pasaway na pulis.
Mag-o-operate ang special team sa buong bansa pero una itong pagaganahin sa NCR.
Magsasagawa rin sila ng random inspection sa mga pangunahing lansangan.