CAMARINES SUR – Kinondena ng Philippine National Police Camarines Sur Cybercrime Unit ang pagpayag ni Elon Musk na siyang may-ari ng “X” o mas kilala sa dating pangalan na Twitter na magpost ng mga sexual content.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay PCapt. Angelo Babagay Jr., head ng cybercrime unit sa Camarines Sur, sinabi nitong napakalaking kontribusyon nito pagdating sa pagdami ng mga online sexual cases. Aniya, dahil mas maraming kabataan ang gumagamit ng nasabing social media platform, malaki ang posibilidad na mas maexpose at mag-engage sila sa ganitong mga aktibidad. Katwiran ni Babagay, hindi lang ang kabataan ang dapat pagsabihan kun’di maging ang kanilang mga magulang na patuloy silang i-monitor, gabayan at disiplinahin sa paggamit ng gadgets at mga social media platform.
Matatandaan na nauna nang kinondena ng Gabriela Women’s Partylist ang nasabing usapin kung saan nagbigay na rin sila ng rekomendasyon sa National Telecommunications Commission na burahin ang anumang sexual content sa naturang platform dahil sa paglabag nito sa batas ng Pilipinas sa cybercrime, sexually explicit content at Online Sexual Abuse And Exploitation of Children.