CAMARINES NORTE- Pinalawig hanggang November 30, 2022 ng Land Transportation Office (LTO) ang validity ng rehistro ng mga sasakyan na nagtatapos sa 9 at 0.
Ang magandang balita pa, posibleng ma- extend uli ng hanggang December 31 ang mga sasakyang nagtatapos naman sa 0.
Ito ang inanunsiyo ni Romeo Candelaria, LTO enforcer sa isinagawang Road Safety and Traffic Regulations Orientation na dinaluhan ng iba’t- ibang TODA sa Basud, Camarines Norte kahapon sa function hall ng munisipyo.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga force multiplier gayundin ang criminology interns mula sa Mabini Colleges at Camarines Norte School of Law.
Nangangahulugan ito ayon kay Candelaria na wala munang huli at multa sa mga registration na nagtatapos sa mga nabanggit na numero.
Ang sasakyan na may ending 9 na dapat ay September ang renewal ng registration ay maaaring magrehistro hanggang November 30, 2022 at ang sasakyan na may ending 0 na dapat magrenew ng rehistro October ay maaaring magrehistro ng sasakyan hanggang November 30, 2022.
Hinihayat ni Candelaria ang publiko tingnan na lang ang mga announcement sa official facebook page ng ahensiya.
Matatandaan na Agosto nitong taon ng unang inanunsiyo ng LTO ang tungkol sa extended na validity ng registration.
Ito ay dahil sa nararanasang bogged down at glitches ng LTO Management System Portal dahilan para bumagal ang sistema ng operasyon ng ahensiya.
Ang resulta marami ang nagrereklamo ng mabagal at matagal na pagrerehistro ng sasakyan.
