CAMARINES NORTE- Muling nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga driver at operator ng pampublikong sasakyan na huwag ipagwalang bahala ang kaligtasan ng mga pasahero.
Isa nga sa paulit- ulit na paalala ng ahensiya ay iwasan ang “overloading” o ang uso sa mga probinsiya lalo na sa mga lugar na limitado ang biyahe na “top loading” o ang pagpapasakay ng mga pasahero sa bubungan.
Ayon kay Romeo Candelaria, LTO enforcer ng Daet District Office hindi dapat payagan ng mga driver na sumabit ang mga pasahero sa labas ng multicab at jeep dahil masyado itong delikado.
Paliwanag nito hindi “intended” sa pasahero ang top load at sabitan kundi para ito sa mga pangarga o cargo.
Inihalimbawa nito ang karaniwang scenario sa mga biyaheng patungo sa coastal barangay ng Mercedes na siksikan ang mga pasahero at mayroon pang mga nasa top load.
Delikado umano ito dahil posibleng mahulog o tumilapon ang mga nasa bubungan ng jeep kahit kaunting lubak lang kung hindi nakahawak ng maayos.
Nauunawaan naman daw ng gobyerno ang kakapusan ng biyahe sa mga ganitong lugar pero hindi ito rason para isawalang bahala ang kaligtasan ng mga pasahero.
Mayroon naman daw kasing “intervention” na pwedeng gawin ang gobyerno depende sa “political will” ng mga nakaupo sa pwesto.
“Reckless driving” aniyang matatawag kapag inilagay ng driver sa panganib ang buhay ng kaniyang mga pasahero at iba pang mga gumagamit ng kalsada.
May kaakibat itong dalawang libong pisong multa.
“Napakalawak ng depinisyon ng reckless driving, pero the moment that you endanger ang buhay, isinantabi mo ang buhay ng pasahero mo, isinantabi mo, hindi isinaalang- alang ang buhay ng ibang gumagamit ng kalsada, reckless driving ka.”
Sinabi ito ni Candelaria sa isinagawang Road Safety and Traffic Regulations Orientation na dinaluhan ng iba’t- ibang TODA sa bayan ng Basud kahapon sa function hall ng munisipyo.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga force multiplier gayundin ang criminology interns mula sa Mabini Colleges at Camarines Norte School of Law.
Ang Road Safety and Traffic Regulations Orientation ay naisakatuparan sa pamamagitan ng LGU at Basud Municipal Police Station.
Sa pagtatapos ng seminar ay namahagi ang LGU ng food packs sa mga dumalo.
