Ikinalugod ng ilang transport group ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik na ang piso na dagdag pasahe sa mga pampublikong transportasyon partikular sa jeepney.
Sa isang panayam, sinabi ni Boy Rebaño, presidente ng grupong FEJODAP na malaking tulong sa mga tsuper ng jeep ang ngayo’y sampung piso nang pamasahe.
Gayunman, nais nila umano na maipatupad ang implementasyon ng dagdag-pasahe sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Mababatid kasi na tanging sa NCR, Central Luzon at Calabarzon lamang ipapatupad ang sampung piso na minimum fare.
Anila, may ilang mga rehiyon sa bans ana mas mataas pa ang presyo ng langis kaysa sa Metro Manila, kagaya sa Cordillera at Bicol Region.
Dahil dito, makikipag-ugnayan umano ang FEJODAP sa pamahalaan para magkaroon na rin ng dagdag-pasahe sa iba pang lugar sa bansa.(CLAY MARQUEZ)
KULANG PA
Kung wi-nelcome ng ilang transport groups ang dagdag-pasahe sa jeep – mayroon namang ilang operators na nakukulangan pa rin sa umento na ito.
Ayon kay 1United Transport Alliance Koalisyon president Vigor Mendoza, sa taas ba naman ng presyo ng produktong petrolyo sa ngayon – tila kakarampot pa lamang ang pisong dagdag-pasahe.
Aniya, malayong malayo pa raw ito sa inihihirit na presyo ng kanilang mga miyembro.
Kahit na mayroong umento sa pasahe, kulang pa rin daw ang ite-take home ng mga tsuper sa kanilang mga pamilya dahil sa serye ng oil price hikes, at taas sa presyo ng bilhiin.
Dahil dito, mas makabubuti pa rin aniya kung suspendihin na ng gobyerno ang excise tax sa produktong petrolyo.
#