Kumpiyansa ang grupong People’s Initiative for Reform, Modernization and Action o PIRMA na matatapos ang pangongolekta ng mga lagda para sa pagbabago ng Konstitusyon sa loob lang ng dalawa hanggang tatlong buwan.
Sa Kapihan sa Manila Bay Forum – sinabi ni PIRMA lead convenor Noel Oñate na tiwala silang makakamit nila ang 3% na bilang ng mga registered voters per district; at 12% ng mga registered voters sa buong bansa.
Sa katunayan – higit pa nga raw ng required na bilang ng mga lagda ang mga nalikom na ng kanilang grupo.
Matapos ang inilatag na timeframe, maaari na raw silang makapag-file ng pormal na petisoyn sa Commission on Elections (COMELEC).
MINESTERIAL DUTY LANG
Nanindigan naman ang COMELEC na ginagawa lang nila ang kanilang ‘minesterial duty’ para sa pagtanggap ng mga lagda sa People’s Initiative na layong amyendahan ang 1987 Constitution.
Muling dinepensahan ni COMELEC chairperson George Garcia ang gagawin nilang pag-aaral sa mga pirmang isusumite sa kanilang tanggapan.
Sa ngayon – halos 1000 mga cities and municipalities na raw sa bansa ang natatanggap nilang mga lagda; o katumbas ‘yan ng mahigit 180 na mga distrito.
Sa kabila niyan, ive-verify pa rin daw nila ang mga naturang pirma para masigurong alam ng mga lumagda kung para saan ang kanilang pinirmahang petisyon.