CAMARINES NORTE- Pinakamabilis pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa lalawigan ng Camarines Norte sa buong Bicol Region noong Disyembre 2022.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) umabot sa antas na 8. 6 percent ang inflation rate sa lalawigan na malaki ang itinaas kumpara sa 3.1 percent sa kaparehong panahon noong 2021 pero bahagya namang mababa kumpara sa 8. 9 percent noong Nobyembre 2022.
Ito na ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa loob ng apat na taon sa magkakaparehong buwan.
Ang nag ambag sa mataas na inflation sa Camarines Norte noong Disyembre ay ang pabahay, tubig, kuryente at petrolyo, restaurants and accommodation, food and non- alcoholic beverages, transport, furnishing household equipment at routine household maintenance.
Bahagyang bumaba naman sa pangkalahatan ang inflation sa buong rehiyon sa antas na 7. 2 percent kumapara sa 7. 5 percent noong Nobyembre 2022.
Mabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Camarines Sur sa antas na 8. 4 percent na pumapangalawa sa Camarines Norte.
Ang Catanduanes ay nakapagtala ng 7. 1 percent inflation, 6.6 percent sa Masbate at 6.5 percent sa Albay.
Pinakamabagal naman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Sorsogon sa antas na 4. 4 percent.
Kapag mataas ang inflation ay lalong lumiliit ang halaga ng pera at kakalanganing gumastos ng mas malaki ng mga tao para sa mga produkto at serbisyo na kanilang binibili.
