CAMARINES NORTE- Lalo pang bumilis ang headline inflation o pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa Camarines Norte noong Nobyembre sa antas na 8.9 percent.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), malaki ang itinaas nito kumpara sa 3. 4 percent lang sa kaparehong panahon noong isang taon at 7. 2 percent noong Oktubre.
Ito na ang pinakamataas na inflation na naitala sa lalawigan sa loob ng apat na taon at pinakamataas din simula Enero nitong taon.
Sa katunayan pinakamabilis ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa Camarines Norte sa buong Bicol Region noong Nobyembre.
Tulad noong Oktubre ang pinaka dahilan ng pagsipa ng inflation sa lalawigan sa mataas na antas ay ang restaurants and accommodation services, pabahay, tubig, kuryente, at petrolyo.
Nag- ambag din sa mataas na inflation ang mataas na presyo ng Food and Non- alcoholic Beverages, Alcoholic Beverages and Tobacco ,Transport at Furnishings Household Equipment and Routine household maintenance.
Kapag mataas ang inflation ay lalong lumiliit ang halaga ng pera at kakalanganing gumastos ng mas malaki ng mga tao para sa mga produkto at serbisyo na kanilang binibili.
Sa buong Bicol naman ay bumilis sa antas na 7. 5 percent ang inflation na mas mataas sa 4. 2 percent sa kaparehong panahon noong isang taon at bahagyang mas mataas sa 7. 2 percent noong Oktubre.
Kung titingnan ang mga datos mabilis talaga ang naging pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lahat ng probinsiya sa Bicol noong Nobyembre.
Ang Camarines Sur ay may mayroong 8. 1 percent inflation rate na pumangalawa sa Camarines Norte.
Ang Sorsogon ay nakapagtala ng 7. 4 percent,Masbate 7. 1 percent, Albay 6. 8 percent at Catanduanes 6. 3 percent.
