CAMARINES NORTE- Nagpaabot ng pasasalamat si Department of Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa mga health workers at frontliners sa Camarines Norte dahil umano sa patuloy na dedikasyon at serbisyo ng mga ito lalo na sa panahon ng pandemya.
Ang mensahe ng pasasalamat ay ipinaabot sa pamamagitan ni Undersecretary Nestor Santiago sa pagbisita nito sa lalawigan noong Lunes para sa Provincial Launching ng National Vaccination Days.
Ayon kay Santiago, kabilinbilinan sa kanila ni Vergeire na saan mang lugar pumunta ay unahing pasalamatan ang mga health worker at frontliner na mula sa simula nang magkaroon ng pandemya ay walang kapagurang nagseserbisyo sa bansa.
Aniya, hindi matatawaran ang dedikasyon ng mga ito sa trabaho kahit malagay sa alanganin ang kanilang buhay.
Pabiro pang sinabi ng opisyal na kahit nga raw “lovelife” ay napapabayaan na ng mga ito sa sobrang dami ng trabaho.
Ipinaabot din ni Santiago ang pasasalamat ng kanilang “boss” sa volunteer vaccinators mula sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at iba pang National and Local Government agencies na katuwang ng DOH sa paglaban sa COVID- 19.
Bilang pasasalamat ay si Santiago mismo ang nag boluntaryo na magbakuna ng booster shot sa isang PNP member sa lalawigan.
