CAMARINES NORTE- Tinungo ng vaccination team ng Department of Health at Municipal Health Office ang dalawang pinakamalayong Barangay ng Mercedes, Camarines Norte noong Huwebes para magbakuna sa mga residente kontra COVID- 19.
Ang mga barangay na ito ay ang Lalawigan at Lanot na bihirang mapuntahan dahil sa layo at mahirap ang transportasyon.
Bitbit ng vaccination team ang mga bakunang Moderna, Pfizer, Janssen, Astra Zeneca, at Gamaleya COVID-19 vaccines.
Ayon sa DOH damang- dama pa rin ang diwa ng bayanihan dahil sa pagtutulungan ng una at ng LGU.
Nag house-to-house vaccination din ang team para sa mga bedridden at may mga kapansanan na hirap ng lumakad.
Sabi ng ahensiya, ngayong marami na ang bakuna ay hinihikayat ang mga taga Camarines Norte na magpabakuna na upang maiwasan ang malalang COVID-19 at mapabilis ang pagkamit ng population immunity sa rehiyon.
Sa ngayon ay wala pang bagong datos na ipinapalabas ang DOH at Provincial Health Office hinggil sa bilang ng mga nabakunahan kontra COVID- 19.
Samantala, sa kakatapos lang na ikatlong round ng National Vaccination Days na ginawa noong Pebrero 10- 18 ay nalagpasan ng Camarines Norte ang target nitong mabakunahan.
Sa target na 19, 623, nasa 27, 438 o katumbas ng 140 % ang nabakunahan.
(Photos courtesy: DOH)
