CAMARINES NORTE – Nakahanda umano ang Daet Elementary School sakaling ipatupad ang suspension ng face-to-face classes dahil sa mataas na heat index o matinding init ng panahon.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sa Principal ng eskwelahan na si Sofio Rieza, sinabi nitong mayroon silang modules at online platform para ipagpatuloy ang pag- aaral ng mga bata sa ilalim ng alternative delivery modes.
Nagawa na umano nila ito dati noong panahon ng pandemya kaya hindi na ito bago.
May mga inihanda rin uman ng worksheets ang mga guro para sa mga bata na iuuwi ng mga bata sa kanilang mga tahanan kung kakailanganging magsuspinde ng in person classes.
Pinag- aaralan na rin umano ng eskwelahan na magkaroon sila ng sariling scientific measurement ng environmental heat index. Ang bagay na ito aniya ay napag usapan na sa ginawang School Governance Council meeting noong Miyerkules.
Umapela naman ng kooperasyon mula sa mga magulang si Rieza upang hindi mahinto ang pag- aaral ng mga bata sa gitna ng ganitong sitwasyon.
Ang Daet Elementary School ay ang pinakamalaking elementary school sa lalawigan na mayroong 3, 145 enrollees mula Kinder hanggang Grade 6 ngayong School Year.
