Mas pinalawak pa ng Pilipinas ang saklaw ng kasalukuyang ipinapatupad na travel ban kung saan kasama na rito ang Oman at ang United Arab Emirates, sa gitna ng banta na dulot ng double mutant variant na unang nadetect sa India.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, ang lahat ng travelers mula sa Oman at United Arab Emirates (UAE) o ang may mga travel history sa naturang dalawang bansa sa susunod na 14-araw ay pagbabawalan na makapasok sa Pilipinas simula May 15, 2021 hanggang May 31, 2021.
Pero ang mga travelers na nagbibiyahe na at darating bago o alas 12:00 ng hating gabi ng May 15 ay hindi pa kasama sa naturang restrictions, bagama’t obligadong sumailalim sa quarantine at testing protocols, kabilang na ang 14-day facility-based quarantine simula sa pagdating at negative swab test.
Samantala, ang travel ban naman laban sa mga biyahero mula sa India, Pakistan, Nepal, Bangladesh at Sri Lanka ay extended hanggang sa katapusan ng Mayo. // MHEL PACIA