Natanggap na ng Pilipinas ang ikalawang batch ng 15,000 doses ng Sputnik V COVID-19 vaccines mula Russia.
Dumating ang mga bakuna sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City bandang alas-9 ng gabi.
Sinabi ni Food and Drug Administration Director General Eric Domingo na ang 15,000 doses na na-deliver sa bansa ay bahagi ng Component 2 o ng second dose ng Sputnik V.
Dagdag ni Domingo, inaasahan nila na matatanggap ito ng 15,000 tao na nakatanggap na ng unang dose o component 1 ng Sputnik V vaccine.
Ayon sa FDA, ang mga bakuna na gawa ng Gamaleya Research Institute ng Russia ay dapat mailagay sa loob ng isang madilim na lugar na may temperatura na hindi lalampas sa -18°C.

Ipinunto ng ahensya na maari lamang magamit ang gamot sa loob ng anim na buwan, at pwede ito maiturok sa mga indibidwal na 18-anyos pataas.
Una nang naipamahagi sa limang lungsod sa Metro Manila ang naunang batch ng Sputnik V vaccines na dumating sa bansa noong May 1, dahil sa kakayahan ng mga ito para sa storage ng bakuna. (RAMAK KOWSARI)