SORSOGON CITY – “Walang dapat ipangamba sa bakuna.”
Pahayag ito ni Provincial Health Office (PHO)-Sorsogon chief Dr. Renato Bolo Jr., sa harap ng agam agam ng karamihan sa mga magulang kaugnay sa pagbabakuna sa mga batang edad 5 – 11 taong gulang.
Ayon sa opisyal dati pa naman umano ay mayroon nang mga bakuna kahit pa nga sa bagong silang na sanggol.
Inihalimbawa nito ang mga bakuna tulad BCG, DPT at iba pa, kung saan wala naman umanong pinagkaiba ang mga ito sa layuning makapagbigay ng bakuna at sa intensyong mabakunahan ang mga bata.
Paniwala ng opisyal hindi pangamba dahil sa bakuna kundi dahil ito ang unang pagkakataon na magtuturok ng COVID-19 vaccine sa mga batang wala pang 12 taong gulang ang edad.

Matatandaan na ang pagbabakuna sa nasabing age bracket ay sinimulan na sa Metro Manila noong Lunes, Pebrero 7.
Una nang itinakda ang pagbabakuna noong Pebrero 4 subalit iniurong ito matapos na maantala ang pagdating ng Pfizer vaccine sa bansa.
Matatandaang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang kahilingan ng Pfizer na gamitin ang kanilang special doses para sa nasabing mga edad.