Sumulat na ang Sorsogon Provincial Health Office sa Philhealth Regional Office V para hilingin na payagan ang ilang pampublikong ospital sa lalawigan na magproseso ng mga dokumento para sa Philhealth claims ng mga pasyente.
Sa text message na ipinadala sa Brigada News FM Sorsogon ni Provincial Health Officer Dr. Renato “Jun” Bolo, sinabi nito na bagama’t inihayag na umano ng PhilHealth na wala ito sa polisiya ng ahensya ay nakahanda naman umano itong makipag-usap sa PHO-Sorsogon.
Ayon pa kay Bolo, ang nasabing hakbang ay upang matulungan ang mga pasyente na mula sa mga malalayong bayan sa lalawigan.
Kinakailangan pa kasi bumiyahe ng mga ito papuntang lungsod ng Sorsogon o kaya sa Philihealth satellite office sa bayan ng Irosin para lamang magsubmit ng mga dokumento na isa rin sa mga dahilan kung bakit sa ngayon ay hindi na nag-aavail ng PhilHealth ang mga pasyenteng mula sa mga malalayong bayan at sa halip ay sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) Program na lamang ng DOH at iba pang financial assistance na direkta sa mga ospital humihingi ng tulong.
