CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng Provincial Health Office (PHO) ang mga dumadalo sa simbang gabi na sundin ang health protocols makaraang madagdagan ang bilang ng mga kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay sa gitna ng tila pagkapanatag ng iba na nakakalimutan nang sundin lalo na ang social distancing sa loob at labas ng simbahan.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet, sinabi ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na importante pa rin ang pagsusuot ng face mask at huwag magdikit- dikit sa pagdalo sa misa.
Kahit kasi ipinapatupad ang health protocols sa mga simbahan ay kapansin- pansin na hindi ito ginagawa ng iba.
Ayon kay Francisco, kung hindi gagawin ang pagsunod sa ipinatutupad na minimum health standards ay hindi malayong magkaroon na rin ng Omicron COVID- 19 variant sa lalawigan.
Sinabi na raw kasi ng World Health Organization at ng mga eksperto na hindi naman talaga nanggaling sa Africa ang naturang variant na itinuturing na mas mabilis makahawa.
Dito lang umano na- detect ang unang kaso pero hindi raw nangangahulugan na dito na rin ito nagsimula.
“It’so happen the first test for Omicron was happened in Africa kaya doon po sinabi na galing ang Omicron, pero hindi pala doon galing ano, so may mga umuwi na dito galing Europe at siguro dito sa atin may umuwi na rin at sabi ko nga kung hindi natin ipa-practice itong standard health protocol dito sa ating probinsiya. baka tayo ay magkaroon na rin ng Omicron dito,” ani Francisco.
Matatandaan na unang naiulat na nakapasok na sa Pilipinas ang Omicron variant noong nakaraang linggo.
Dalawang international travelers na dumating sa bansa ang nakitaan nito.
Ang isa ay returning overseas Filipino galing sa Japan na dumating noong December 1 sakay ng Philippine Airlines.
Habang ang isa naman ay nanggaling sa Nigeria na dumating noong November 30 sakay ng Oman Air.
Kahapon isang 36 anyos na returning overseas Filipino mula Qatar ang pinakahuling nagpositibo sa naturang variant, ayon sa Department of Health (DOH).
“Sa mga simbang gabi panawagn ko po na sana magsuot pa rin ng face mask, yung huwag magdikit- dikit para hindi po tayo magkahawaan ng COVID.”
