PHIVOLCS, umapela sa mga residente na huwag munang umuwi malapit sa seven-kilometer danger zone ng Taal Volcano

Umapela ang PHIVOLCS sa mga residente na nakatira sa loob ng seven-kilometer danger zone ng Taal Volcano na huwag munang umuwi sa kani-kanilang mga bahay dahil sa banta ng “explosive eruptions.”

Sinabi ni Phivolcs officer-in-charge Renato Solidum Jr. na kailangan muna nilang obserbahan ang mga aktibidad ng bulkan.

Sakaling magkaroon naman ng downward trend ay sinabi ni Solidum na kailangan pa nilang maghintay ng dalawang linggo para tiyakin na magiging ligtas ang pagbabalik ng sitwasyon sa bulkan sa mas mababang status.

Ipinunto ni Solidum na bagama’t wala nang indikasyon ng malaking pagsabog na nakikita sa bulkan, ay kailangan pa rin mag-ingat ng publiko dahil sa patuloy na pagtaas ng magma.

Una nang sinabi ng PHIVOLCS sa publiko na umiwas muna sa pagpasok sa mga barangay na sakop ng Agoncillo at Laurel sa Batangas.

Nag-isyu rin ang PHIVOLCS ng evacuation advisory na sumasaklaw sa mga barangay Banyaga at Bilibinwang sa Agoncillo, at sa mga barangay Gulod, Boso-boso at Lakeshore Bugaan East sa bayan ng Laurel.

Inihayag rin ng PHIVOLCS na kabilang rin sa mga lugar na maaring maapektuhan ng aktibidad ng bulkan ay ang Poblacion, at Sinturisan sa San Nicolas; Subic Ilaya sa Agoncillo; Apacay, Taal, at Boot sa Tanuan City; at San Sebastian sa Balete.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *