Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez na muling buhayin ang general review ng Philippines-Japan Economic Agreement o PJEPA sa harap ng isinusulong na pagtapyas o pagtanggal sa taripa sa agricultural products ng ating bansa.
Sa pakikipagpulong ni Romualdez sa Philippines-Japan Parliamentarians’ Friendship Society na binubuo ng Japanese lawmakers, sinabi nitong maipakikita ang suporta at pagsasamahan sa pamamagitan ng pagsilip sa kasunduan matapos ang paglagda sa trilateral agreements.
Nakahanay aniya ito sa pagsisikap na itaguyod ang “conducive relationship” sa pagitan ng dalawang bansa.
Umaasa ang Speaker na magreresulta ang review sa improved terms para sa agricultural products ng Pilipinas lalo na ang saging kasunod na rin ng pagbagsak ng market share sa 78 percent mula sa dating 90 percent.
Target ng Pilipinas na makakuha ng mas malaking share sa agriculture market ng Japan para sa mga Pilipinong magsasaka at mangingisda bilang isa ito sa pinakamalalaking importers ng agricultural products sa mundo.
Nais umano ng Pilipinas na palawakin ang export opportunities sa isda, pinya, avocado, mangga, durian, mangosteen at okra.
Ipinaliwanag pa ni Romualdez na mahalaga ang pagkakaroon ng review sa PJEPA upang suportahan ang industriya ng agrikultura sa Pilipinas at maisulong ang patas na trade relations sa Japan.