Inaprobahan na ng National Economic and Development Authority o NEDA board ang isang flagship infrastructure project na naglalayong palakasin ang broadband connectivity sa buong bansa, partikular na sa mga liblib na lugar, gayundin ang cybersecurity.
Sa ika-18 board meeting kahapon sa Palasyo ng Malacañang, nagbigay na ng go signal ang NEDA board para sa Philippine Digital Infrastructure Project o PDIP.
Meron itong budget na 16.1 billion pesos na pinondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance mula sa World Bank.
Inaasahang sa tulong ng PDIP, mapapahusay nito ang broadband connectivity ng bansa, at pabibilisin ang internet connection kahit sa mga malalayong lugar.
Madagdagan ang mga digital infrastructure upang mapalakas ang private sector investment, at ang kapasidad ng cyber security ng bansa gayundin sa pag protekta ng mga critical information infrastructure.
Samantala maliban sa PDIP, inaprobahan din ng NEDA board ang pagsasagawa ng adjustment sa ilang parameters ng 9 na ongoing infrastructure projects ng bansa, kung saan pito sa mga ito ay kabilang sa Infrastructure Flagship Projects list.
Sakop ng adjustment ang project scope, cost, extension ng implementation period at ang loan validity.
Ang mga proyekto na pinayagan ang adjustment ay ang LRT line 1 South Extension project, Malolos-Clark railway project,Tranche 1; Metro Manila Flood Management Project, phase 1; Reconstruction and Development Plan for a greater Marawi, stage 2; New Cebu International Container port project, Local governance reform project, Infrastructure Preparation and Innovation Facility, Mindanao Road Sector Project at ang Panguil Bay bridge project.